Iniulat ng medical examiner sa Los Angeles na ang 14-anyos na dalagitang pinaslang umano ng musikero na si D4vd ay nagtamo ng 'multiple penetrating injuries' at 'dismemberment' ng mga paa't kamay. Ang bangkay ng biktima, si Celeste Rivas Hernandez, ay natagpuan sa trunk ng sasakyan ni D4vd (David Burke) noong Setyembre 2025 sa Hollywood.
Ayon sa autopsy report na inilabas noong Miyerkules, natagpuan ang dalawang penetrating wounds sa torso at pagkaputol ng upper at lower extremities. Ang mga sugat ay posibleng dulot ng 'sharp force injuries,' ngunit hindi tinukoy ang ginamit na armas. Limitado ang pagsusuri dahil sa 'extensive postmortem changes.' Hindi rin matukoy ang oras ng kamatayan.
Ipinag-utos ng hukom na ilabas ang autopsy report kasabay ng paghain ni D4vd ng 'not guilty' plea sa kasong first-degree murder noong Lunes. Ayon sa prosekusyon, huling nakita ang biktima noong Abril 2025 nang pumunta ito sa bahay ni D4vd sa Hollywood Hills at pagkatapos ay nawala.
Sumikat si D4vd noong 2022 sa pamamagitan ng TikTok gamit ang kanyang mga kanta, partikular ang 'Romantic Homicide,' na nagdala sa kanya sa Interscope Records. Nagtanghal siya sa Coachella noong 2025.
'We believe the actual evidence will show David Burke did not murder Celeste Rivas Hernandez, nor was he the cause of her death,' ayon sa defense attorney na si Blair Berk. — Ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News