Inamin ni Miguel Tanfelix na 'very stable' ang kanilang relasyon ng kasintahang si Ysabel Ortega, at napag-uusapan na rin nila ang tungkol sa kasal.
Sa nakaraang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," tinanong si Miguel ni Tito Boy tungkol sa estado ng kanilang relasyon matapos ang tatlong taon.
"Very stable kami ngayon, Tito Boy. We are very happy. Ako, sobrang love ko si Ysabel," sagot ng aktor.
Nang tanungin kung nakakaramdam siya ng takot dahil stable sila, sumagot si Miguel: "Mas pipiliin ko na 'yun [stable] kaysa sa unstable."
Paliwanag pa niya, "Pero para sa amin, mas pinapayaman pa muna namin ang sarili naming karanasan, mas pinapatalino, pinapa-mature pa namin ang isa't isa, bago kami mag-step forward. Kasi naniniwala kami na kailangan buo kaming dalawa bago pumasok."
Inihayag din ni Miguel na napag-uusapan nila ni Ysabel ang kanilang future, partikular kung anong edad sila magpapakasal.
"Ang sinasagot ko, mga early to mid-30s. Matagal-tagal pa, Tito Boy. Matagal pa. Marami pa kaming kailangan gawin," ani Miguel.
Samantala, magiging host si Miguel sa unang pagkakataon sa upcoming travel infotainment program na "Planet XP."